FDCP at City of Manila, Magbibigay ng Booster Shots para sa 1,000 na Film Workers
MAYNILA, PILIPINAS, ENERO 25, 2021 — Magsasagawa ng pagbabakuna ng booster shots ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa tulong ng pamunuan ng Lungsod ng Maynila. Ang pagbabakuna ay gagawin sa Cinematheque Centre Manila sa ikatlo ng Pebrero at bukas para sa mga film at entertainment workers.
Ang Booster Vaccination Program ng #GoodJAB Vaccination Program ng FDCP at programang “Vaccine Nation is the Solution” ng Maynila ay tatanggap lamang ng hanggang isanlibong (1000) tao para bakunahan. Magpatala para sa slot sa booster vaccination sa pamamagitan ng pagsagot sa form na ito: bit.ly/NRBoosterVaccination.
Tiyakin na walang nararamdamang sintomas gaya ng lagnat, ubo, sipon, pananakit ng ulo, atbp. Maaaring mamili ng schedule ngunit magdedepende ito sa sa mga available na slot. Bibigyang prayoridad ang mga mga film at entertainment workers na kabilang na sa FDCP National Registry kaya’t hinihimok ang mga nais magpabakuna na hangga’t maaari ay magparehistro sa NR sa pamamagitan ng link na ito: https://nationalregistry.fdcp.ph/steps-to-apply/nraw.
Para sa mga nakatanggap na ng kanilang dalawang dose mula sa Maynila, mangyaring dalhin ang ginamit na QR Code o Vaccination ID. Sa mga hindi naman sa Maynila binakunahan, magparehistro muna sa Manila Covax website at i-download ang vaccination ID. Kakailanganin ang ID na ito sa registration form para sa booster shot.
“Noong isang taon, sinikap ng FDCP na makapag-facilitate ng pagbibigay ng first and second doses sa mga film workers. Ngayon, nais nating mas palakasin pa ang kanilang proteksyon sa pamamagitan nitong booster vaccination program. Nagpapasalamat kami sa tulong ng City of Manila LGU at sa Manila Health Department sa paglalaan ng booster shots,” sabi FDCP Chairperson at CEO Liza Diño.
Noong ika-13 ng Enero, nabigyan ng booster shots ang mga empleyado ng FDCP sa tulong ng Manila Health Department at pamunuan ng lungsod ng Maynila na pinamumunuan ni Mayor Isko Moreno.
Para sa mga iba pang katanungan, magpadala ng email sa [email protected] o mag-chat sa fb.me/FDCPNationalRegistry.